Saturday, April 14, 2012

Chic-Boy - Masarap Ang Lechon Manok Nila..At Mura Pa


Tanghali na kaming nagising kanina, lampas na ng alas-12. Sabado, wala akong pasok kaya medyo malakas ang loob ko na magpuyat at gumising ng tanghali. Samantalang ang mga bata ay bakasyon na kaya't hinahayaan ko rin silang mag-puyat at gumising ng tanghali na. Ito ay kanilang reward sa pag-aaral ng mabuti ng mga buwan na may pasok pa.

Mga ilang minuto pagkatapos kong magising, may kumatok sa aming pinto. Dumating ang isa sa aking mga nakababatang kapatid upang kami ay bisitahin. Natuwa naman ako at naisipan kong kumain na lamang kami ng tanghalian sa labas. Wala ng panahon para magluto dahil tanghali na at gutom na kami.

Kaya nag-desisyon na lamang kami ng aking asawa na sa labas nga kumain. Yun nga lang ay hindi kami makapag desisyon kung saan kakain. Nagsasawa na ko sa fastfood, ganun din ang aking misis at ang mga bata.

Dahil sa hindi ko maiisip kung saan kami kakain ng tanghalian, tinanong ko na lang ang aking kapatid. Natanong nya kung nakakain na daw kami sa Chic-boy. Ako eh nakakain na pero ang mga bata ay hindi pa kaya nag-desisyon kami na dun na lang kumain. Merong isang malapit sa amin, mga isang kilometro lang ang layo.

Ayun at dun na nga kami dumiretso. Humiram muna ako kay misis ng isang libo. Anim na tao kaming lahat at hindi ko na maalala ang presyo ng pagkain doon kaya nag-budget ako ng isang libo. Naiisip ko na hindi naman siguro ganun kamahal dun.

Natuwa ako ng napasok namin ang Chic-boy sa Las Pinas. Mas malaki ito kesa sa Chic-boy na napasok ko sa Alabang. Mas maganda ang ambience. Magalang kaming pinagbuksan ng pinto ng gwardiya at magiliw kaming binati ng mga waiter at cashier sa counter.

Pinaupo ko na ang mga bata sabay hatak kay misis. Sabi ko samahan nya akong pumili ng pagkain. Binangit ng aking kapatid na umorder kami ng turones na may saw-sawang yema pang dessert. Masarap daw ito.

Lumapit na kami ni misis sa counter at doon na ako umorder. Maraming pag-pipiliang mga lutong baboy at manok sa kanilang menu. Napansin ko lang wala silang group meal. Pero nakita ko na meron silang order ng isang buong Lechon Manok. Naiisip ko na ayos ito, tamang-tama at anim kami. Pero pinapili ko pa rin si misis ng gusto nya dahil ayaw na daw nya ng manok. Halos araw-araw ay manok ang kinakain namin at medyo nag-sasawa na sya.

Ayun umorder sya ng inihaw na liempo. Nagdagdag ako ng talong with bagoong, palabok para sa kapatid kong hindi kumakain ng rice, drinks at dalawang order ng turones with yema dip. Mukhang papular ang dessert nila na ito at gusto ko itong masubukan.

Natuwa naman ako dahil umabot lang ng 648.00 pesos ang aming bill. Matipid nga sya. Umupo na kami sa table at makalipas ang ilang minuto ng pag-hihintay ay nai-serve na lahat ng aming order.

Malasa at masarap ang kanilang Litsong Manok, sukang manamis-namis at hindi gaanong maasim ang saw-sawang kasama nito pero humingi ang kapatid ko ng extra gravy. Binigyan naman  kami at nang tinikman ko ito ay masarap din, kulay dilaw ito hindi brown katulad ng gravy ng ibang fast food at ng tikman ko ito, lasang-lasa ang butter.

Masaya naming pinag-saluhan ang pagkain doon habang nagkwe-kwentuhan at nagtatawanan. Masaya ang usapan namin kasama ang mga bata at nakakabusog din ang pagkain.

Hindi ako na-disappoint sa pagkain namin sa chic-boy ngayong araw na ito. Masarap na ang lasa ng pagkain, mura pa at ang higit sa lahat masaya ang usapan naming pamilya. Nag-karoon kami ng time for bonding. Mga ilang minuto ng matapos kaming kumain, tumayo na kami para lumabas sa restraurant..Habang palabas kami, naiisip ko na malamang magiging madalas ang pagpunta namin dito.

No comments:

Post a Comment