Tuesday, April 17, 2012

Roots..Ang "Luya" Softdrink Ng Australia Nasa Pinas Na

(Photo courtesy of http://www.mymomfriday.com)

Lumabas ako ng alas 9:00 kagabi. Meron kasi akong tinitingnan online na hindi ko ma-access kaya napilitan akong lumabas para tingnan. Dahil gabi na ay medyo nag-mamadali akong maglakad, ayun hiningal tuloy ako. Mabuti na lang me malapit na mini-stop sa dinaanan ko kaya ayun nag-desisyon muna akong uminom ng kahit anong malamig at umupo muna ng sandali.

Pag-pasok ko sa loob diretso agad ako sa refreshments area. Tiningnan ko kung ano yung mga nandun. Una kong nakita yung mga softdrinks. Lumipat ako sa kabilang shelf at nakita ko naman yung mga beer, merong Super Dry (San Miguel) pero wala ako sa mood na uminom at hindi rin ako sure kung papayag yung mini-stop na dun ko inumin yung Super Dry kaya bumalik ako dun sa mga shelf ng softdrinks. Tumingin ako dun sa bandang taas at dun ko nakita yung dark brown na bote ng Roots. Nung binasa ko, na-curious ako, kasi nakalagay Ginger Brew.

Eh mahilig ako sa luya, kahit hindi na uso eh paminsan-minsan gumagawa ako dito sa bahay ng maiinit na salabat at ang ginagamit ko eh fresh na luya hindi yung nabibiling Salabat mix.

Nagsimula yung pagkahilig ko sa Salabat nung mga bata pa kami, naa-alala ko na tinitimplahan kami ng salabat ng Lola ko, nakakainum din ako nun pag umuuwi kami sa Ilo-ilo. Paminsan-minsan kasama ang salabat sa agahan.

Isa pang dahilan kung bakit ko nakahiligan ang salabat ay dahil sa sabi ng Lola ko noon na ang salabat daw ay nakakapagpaganda ng boses. Eh plano ko dating maging Frank Sinatra nung bata pa ko. Ayun nawili akong uminom ng Salabat.

At eto na nga, fast-forward, nasa mini-stop ako at nakita ko ang Roots na gawa sa luya. Ayun out of curiosity binili ko sya. Wala pa atang 20 pesos. Binayaran ko na sya sa counter at umupo na ko dun sa isa sa mga upuan sa mini-stop.

Pagka-upo ko ay binuksan ko na ang bote ng roots. Medyo merong-fizz kasi ang Roots ay carbonated. Nalanghap ko ang amoy na lumabas sa bote, amoy luya. Mukhang okay naman kaya ayun linagok ko na.

Lasang luya nga. Kaso malakas ang kanyang "Earth" flavor, in tagalog, medyo lasang lupa. Ang naisip ko tuloy nung ininom ko eh hinugasan kaya nila ng maayos yung luyang ginamit nila dito.

Anyway, ok naman tolerable naman ang lasa. Meron syang fizz katulad ng softdrink pero yun nga, medyo lasang-lupa. Hindi ko sya masyadong nagustuhan kasi ang ini-expect ko eh lasang luya lang walang additional na "earthy" flavor.

So, ok naman etong roots, pag-gusto mo ng alternative sa softdrink na mas healthy pwedeng ito na ang ipalit mo, pero ako, siguro matatagalan bago ulit ako uminom nito.

Sunday, April 15, 2012

Supersize Ng Chooks To Go Panalo..

Dahil weekend, medyo nag-tagal na naman ako sa kama, ginising ako ng alas 9 ni misis dahil me pasok sya sa optical shop ngayon. Alas 10 ang time-in nya. Bumangon lang ako para isara ang pinto pag-labas nya pero natulog ulit ako. Alas 12:30 na ng tanghali ng bumangon ulit ako. Nakaramdam na ako ng gutom pero tinatamad akong mag-luto. 

Binuksan ko ang kaldero at nakita kong marami pang-kanin. Ulam na lang ang kailangan. Mabilis na pumasok sa isip ko ang Chooks-to-go. Mga dalawang buwan na rin kaming malimit bumili nito para sa tanghalian o hapunan. Dati ay Baliwag's lechon manok ang malimit kong bilhin pero ng makita ko tong chooks to go malapit sa amin, lumipat na ako. Maganda ang manok ng Chooks to go (pwedeng ligawan sa ganda). 

Ito ay oven-roasted kaya wala kang malalasahang parang uling. Dati ay Andoks ang malimit kong bilhin pero lumipat ako sa baliwag dahil nalalasahan ko ang uling sa balat ng manok ng andoks samantalang kaunti lamang ang sa baliwag. Pero eto nga, ng nakita ko ang Chooks, puro chooks naman. Medyo napupurga na nga ang mga bata. 

Pero isa ito sa mga pinaka-gusto kong lechon manok sa metro manila. Una ay kalasa nito ang manok ng Kenny Rogers (hindi ang balat pero kalasa talaga nito ang laman). Ang nakakatuwa pa nito eh meron silang supersize na 189 pesos lang. Ang mura kumpara sa ibang mga litsong manok. 

Magugulat ka lang pag una kang bumili nito kasi hindi sila nagbibigay ng sauce o gravy. Tinanong ko ito minsan at sinabi nga ng tindero na wala silang gravy subalit pag kinain mo na ito ay maiintindihan mo kung bakit sinasabi nilang masarap ito kahit walang sauce. 

Ayun bumili ako ng isa. Malaki ang manok nila, parang mas malaki pa sa Andoks at tila ba nasa 40 pesos ang diperensya sa presyo.

Bumili rin ako ng isang kilong manggang hinog pang-himagas. Inamoy-amoy ko ang mangga para siguradong matamis ang makuha ko. Ayun, matamis naman ang nabili ko kaya enjoy ang pananghalian.

Aprub sakin ang Chooks, kalasa sya ng Kenny Rogers pero di kasing-mahal. 

Saturday, April 14, 2012

Chic-Boy - Masarap Ang Lechon Manok Nila..At Mura Pa


Tanghali na kaming nagising kanina, lampas na ng alas-12. Sabado, wala akong pasok kaya medyo malakas ang loob ko na magpuyat at gumising ng tanghali. Samantalang ang mga bata ay bakasyon na kaya't hinahayaan ko rin silang mag-puyat at gumising ng tanghali na. Ito ay kanilang reward sa pag-aaral ng mabuti ng mga buwan na may pasok pa.

Mga ilang minuto pagkatapos kong magising, may kumatok sa aming pinto. Dumating ang isa sa aking mga nakababatang kapatid upang kami ay bisitahin. Natuwa naman ako at naisipan kong kumain na lamang kami ng tanghalian sa labas. Wala ng panahon para magluto dahil tanghali na at gutom na kami.

Kaya nag-desisyon na lamang kami ng aking asawa na sa labas nga kumain. Yun nga lang ay hindi kami makapag desisyon kung saan kakain. Nagsasawa na ko sa fastfood, ganun din ang aking misis at ang mga bata.

Dahil sa hindi ko maiisip kung saan kami kakain ng tanghalian, tinanong ko na lang ang aking kapatid. Natanong nya kung nakakain na daw kami sa Chic-boy. Ako eh nakakain na pero ang mga bata ay hindi pa kaya nag-desisyon kami na dun na lang kumain. Merong isang malapit sa amin, mga isang kilometro lang ang layo.

Ayun at dun na nga kami dumiretso. Humiram muna ako kay misis ng isang libo. Anim na tao kaming lahat at hindi ko na maalala ang presyo ng pagkain doon kaya nag-budget ako ng isang libo. Naiisip ko na hindi naman siguro ganun kamahal dun.

Natuwa ako ng napasok namin ang Chic-boy sa Las Pinas. Mas malaki ito kesa sa Chic-boy na napasok ko sa Alabang. Mas maganda ang ambience. Magalang kaming pinagbuksan ng pinto ng gwardiya at magiliw kaming binati ng mga waiter at cashier sa counter.

Pinaupo ko na ang mga bata sabay hatak kay misis. Sabi ko samahan nya akong pumili ng pagkain. Binangit ng aking kapatid na umorder kami ng turones na may saw-sawang yema pang dessert. Masarap daw ito.

Lumapit na kami ni misis sa counter at doon na ako umorder. Maraming pag-pipiliang mga lutong baboy at manok sa kanilang menu. Napansin ko lang wala silang group meal. Pero nakita ko na meron silang order ng isang buong Lechon Manok. Naiisip ko na ayos ito, tamang-tama at anim kami. Pero pinapili ko pa rin si misis ng gusto nya dahil ayaw na daw nya ng manok. Halos araw-araw ay manok ang kinakain namin at medyo nag-sasawa na sya.

Ayun umorder sya ng inihaw na liempo. Nagdagdag ako ng talong with bagoong, palabok para sa kapatid kong hindi kumakain ng rice, drinks at dalawang order ng turones with yema dip. Mukhang papular ang dessert nila na ito at gusto ko itong masubukan.

Natuwa naman ako dahil umabot lang ng 648.00 pesos ang aming bill. Matipid nga sya. Umupo na kami sa table at makalipas ang ilang minuto ng pag-hihintay ay nai-serve na lahat ng aming order.

Malasa at masarap ang kanilang Litsong Manok, sukang manamis-namis at hindi gaanong maasim ang saw-sawang kasama nito pero humingi ang kapatid ko ng extra gravy. Binigyan naman  kami at nang tinikman ko ito ay masarap din, kulay dilaw ito hindi brown katulad ng gravy ng ibang fast food at ng tikman ko ito, lasang-lasa ang butter.

Masaya naming pinag-saluhan ang pagkain doon habang nagkwe-kwentuhan at nagtatawanan. Masaya ang usapan namin kasama ang mga bata at nakakabusog din ang pagkain.

Hindi ako na-disappoint sa pagkain namin sa chic-boy ngayong araw na ito. Masarap na ang lasa ng pagkain, mura pa at ang higit sa lahat masaya ang usapan naming pamilya. Nag-karoon kami ng time for bonding. Mga ilang minuto ng matapos kaming kumain, tumayo na kami para lumabas sa restraurant..Habang palabas kami, naiisip ko na malamang magiging madalas ang pagpunta namin dito.